LEGAZPI CITY—Nasa ilalim ng blue alert status ang lalawigan ng Catanduanes dahil sa posibleng epekto ng Tropical Depression ‘Crising’ sa nasabing lugar.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Catanduanes Emergency Operations Chief Roberto Monterola, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy nilang binabantayan ang nasabing sama ng panahon at kanila ring inaasahan na maaring magdulot ito ng sunod-sunod na pag-uulan sa naturang lalawigan.
Aniya, bagama’t hindi umano masyadong malakas ang bagyo at kung sakaling tumaas ang status nito, binabantayan pa rin nila ang posibleng dala nitong malalakas na pag-ulan.
Posible rin na maglalabas din sila ng babala tungkol sa mga pag-iingat para sa mga mamamayan.
Dagdag pa ni Monterola, nananatiling naka-high alert ang kanilang tanggapan sa posibleng epekto ng binabantayang bagyo.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang blue alert status ay tumutukoy sa intense monitoring hinggil sa banta ng isang masamang panahon.
Samantala, pinayuhan din ni Monterola ang publiko na maging mapagmatyag at patuloy na magsubaybay sa kasalukuyang kondisyon ng panahon ng bansa.