LEGAZPI CITY- Aminado si Catanduanes Governor Boboy Cua na hindi sapat ang pondo ng lalawigan sa ngayon upang tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga residenteng naapektuhan ng super typhoon Pepito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa gobernador, sinabi nito na halos maubos na ang pondo ng lalawigan at ng mga local government units dahil sa magkakasunod na kalamidad na tumama sa island province.

Aniya, batay sa partial report na natanggap niya ay mahigit 34,000 na pamilya ang naapektuhan o katumbas ng mahigit 100,000 na mga indibidwal.

Karamihan sa mga ito ay nawasak ang mga tahanan dahil sa malakas na hangin na tumama sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Ayon kay Cua na pinaka kailangan ngayon ng mga residente ay ang mga materyales tulad ng yero, pako, plywood at iba pa na magagamit upang muling maitayo ang kabahayan ng mga residente.

Samantala, nabatid rin na mayroon ng paunang foodpacks na dumating sa lalawigan subalit ayon sa gobernador ay hindi pa umano ito sasapat para sa mga apektadong residente.