LEGAZPI CITY- Naantig ang puso ng mga tauhan ng Catanduanes 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) matapos makatanggap ng liham mula sa isang detainee ng Bagamanoc.
Nagpadala kasi ng sulat ang isang bilanggo upang ipanawagan na tulungan siyang mapabinyagan ang kaniyang apat na buwang sanggol na nasa pangangalaga ng PWD nitong live- in partner.
Dahil dito ay hindi nag-atubili ang mga kapulisan na asikasuhin ang pagpapabinyag sa sanggol at nagkaroon pa ng kaunting salu-salo.
Ayon kay Asst. Force Commander Pol. Lt. Mark Anthony Eusebio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mismong ang mga kapulisan ang nagluto ng pinagsaluhan ng mga dumalo sa naturang binyag.
Ang mga tauhan na rin ng 2nd PMFC ang tumayong ninong at ninang ng naturang sanggol. Dagdag pa ni Eusebio na masaya sila na makatulong at maibigay ang pangangailangan ng mga mamamayan kahit pa ang mga persons deprived of liberty.
Nabatid na ang tatay ng sanggol ay kabilang sa top 10 most wanted person sa Bacamanoc at nahuli nito lamang na buwan ng Oktubre.