LEGAZPI CITY- Problema sa ngayon sa Cataingan, Masbate na epicenter ng tumamang Magnitude 6.6 na lindol ang kakulangan ng calamity fund na magagamit matapos na una nang mailaan ang pondo sa pagresponde sa coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cataingan Mayor Felipe Cabataña, pahirapan sa ngayon kung saan kukuha ng pondo sa ibibigay na ayuda sa mga residente na nasa evacuation centers maging sa ilan pang nawalan ng tahanan dulot ng lindol at pansamantalang nakikipisan sa mga kamag-anak.
Karamihan sa mga residente ang takot na pumasok sa kabahayan dahil sa malalaking bitak dulot ng pagyanig habang tuloy-tuloy pa ang naitatalang aftershocks.
Umapela ang opisyal sa pamahalaan at sa mga non-government organization na mabigyan ng relief goods at temporary shelters upang matiyak ang social distancing.
Aminado itong maliit ilang evacuation centers kaya’t hindi maiwasan ang pagkukumpul-kumpulan.
Batay sa damage assessment ng lokal na pamaalaan, totally damaged ang pamilihang bayan habang hindi muna magagamit ang pier subalit ilan lamang ito sa mga nagtamo ng major damage.
Ayon pa sa alkalde, dalawa na rin ang naiulat na nasawi mula sa isang retiradong police colonel na nadaganan ng bumagsak na bahay at isang inatake sa puso habang kritikal naman ang sugat na tinamo ng isang babae matapos na mahulog ang bahay nito sa ilog.
Maliban pa rito, 66 na pamilya ang apektado o kabuuang 334 na indibdiwal kung saan 11 pamilya ang pansamantalang nakikiuwi sa mga kamag-anak at kaibigan.