LEGAZPI CITY- Tinutukoy na ngayon ng Philippine Coast Guard ang cargo ship na nakabangga sa isang bangka sa karagatan na sakop ng San Pascual, Masbate.
Nais kasing mapanagot ang naturang cargo ship sa nangyari.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa rin natatagpuan ang isang mangingisda na nahulog sa dagat kahit pa mahigit isang linggo na ang nakakalipas.
Matatandaan na dalawa ang sakay ng naturang bangka kung saan isa ang nakaligtas habang ang isa ay patuloy pang pinaghahanap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa survivor na si Roland Marientes, sinabi nito na may trauma pa rin siya dahil sa nangyari at hindi pa rin makabalik sa paghahanapbuhay.
Kwento nito na nakarating na sila sa Sibuyan island upang mahanap ang kaniyang kapatid subalit bigo pa rin sila.
Aniya, umaasa sila na matatagpuan ng buhay ang nawawalang kapatid lalo sa pamamagitan ng tulong mula sa iba’t ibang mga tanggapan ng pamahalaan.