LEGAZPI CITY – Tinawag na “historical” at “record time” ang isinagawang dalawang araw lamang na canvassing ng Kongreso na nagsilbing National Board of Canvassers (NBOC) sa presidential at vice-presidential race.
Nitong Miyerkules, Mayo 25 pormal nang naiproklama sina President-elect Bongbong Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., isa umano sa pinakamabilis na canvassing ang nangyari kumpara sa inasahang aabutin ng gabi pa ng Biyernes, ang proklamasyon.
Tinitingnang kabilang sa mga salik sa mabilis na canvassing ang paghahayag ng mga political parties ng mga nakalaban sa posisyon ng manipestasyon na wala nang objection sa authenticity ng 173 na certificate of canvass (COC).
Kabilang si Garbin sa mga nagsilbing kasapi ng NBOC na tumingin sa integridad at authenticity ng mga balota at COC.
Layon ng hakbang na matiyak na walang discrepancy sa mga ito.