LEGAZPI CITY – Pinag-aaralan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Camalig katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga tinatawag na ‘economically displaced’ o ang mga residenteng apektado ang kabuhayan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng nadiskubrneg 50 pamilya na nananatili pa sa loob ng permanent danger zone partikular na sa Barangay Anoling na agad namang isinailalim sa forced evacuation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, karaniwan sa mga bumabalik na mga residente sa lugar ay nabigyan na ng permanenteng relocation house subalit nasa loob ng Mayon Unit area ang pinagkukunan ng ikinabubuhay.
Aniya, ito ang mga pamilyang maituturing na ‘economically displaced’ kung saan mayroon din na ibinibigay na ayuda ang lokal na pamahalaan subalit hindi kasing dami ng mga natatanggap ng mga evacuees na nasa evacuation center.
Dahil dito, ayon sa alkalde tinatrabaho na ng lokal na pamahalaan na maisama ang mga ito sa mga mabibigyan ng cash assistance at iba pang ayuda upang wala ng dahilan na bumalik sa permanent danger zone.
Sinabi ni Baldo, kinokonsidera ang naturang hakbang dahil prayoridad ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga residente at mailayo sa anumang panganib dulot ng abnormalidad ng Bulkang Mayon.