The Sorsogon provincial government will now implement the “Byaheng Damayan” program that will offer free rides for its citizens.

LEGAZPI CITY – Ipatutupad ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang “Byaheng Damayan” program na mag-aalok ng libreng sakay para sa mga mamamayan nito.

Ayon kay Sorsogon Provincial Spokesperson Dong Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsimula ang hakbang matapos makita ng kanilang Gobernador na maraming commuter ang naghihintay ng masasakyan dahil hindi makapasada ang ilang jeep dahil sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Gagamitin ang mga bus ng pamahalaang panlalawigan pati na rin ang mga bus na pagmamay-ari ng kanilang Gobernador upang masakop ang apat na pangunahing ruta na dumadaan papunta at pabalik sa Sorsogon City.

Nilinaw din niya na hindi sila nakikipagkumpitensya sa mga pampublikong sasakyan dahil ang kanilang mga bus ay ba-biyahe lamang nang isang beses sa umaga at isang beses rin sa hapon kapag sumapit na ang rush hour.

Sinabi ng opisyal na bukod sa “Byaheng Damayan”, plano rin ng pamahalaang panlalawigan na magtayo ng community pantry para sa sektor ng transportasyon, at work from home para sa mga empleyado ng gobyerno upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Inaprubahan din ng Sangguniang Panlalawigan ang pagbibigay ng mga subsidiya sa mga Lokal na Pamahalaan upang suportahan ang pagpapatupad ng mga community pantry para sa sektor ng transportasyon sa buong lalawigan.

Idinagdag ni Mendoza na bibili rin sila ng isdang tamban o may lokal na term na lawlaw mula sa mga mangingisda sa bayan ng Bulan upang hindi masayang ang kanilang mga huli at ipamamahagi ang mga ito sa community pantry upang mapakinabangan ng mga jeepney driver.