LEGAZPI CITY- Bumangga sa poste ng kuryente ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. 4 Ilawod, Camalig, Albay, pasado alas-7:00 kaninang umaga.
Sa lakas ng impact, basag ang windshield ng bus sa harapan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jomar Biso, konduktor ng bus, mula umano ang mga ito sa Maynila at pabalik na ng Tabaco City nang mangyari ang pagbangga.
Pinabulaanan nitong nakatulog ang driver na si Genero Realosa dahil nag-uusap pa umano ang mga ito nang mangyari ang aksidente.
Salaysay pa nito na tinangka lamang iwasan ng bus ang kasalubong na humaharurot na truck kaya’t nakabig ang manibela hanggang sa magdire-diretso sa poste.
Swerte naman na walang nagtamo ng sugat o anumang galos sa katawan sa 30 katao na lulan ng naturang bus na karamihan ay patungo sa Lungsod ng Legazpi at Tabaco.
Agad namang inilipat ang mga ito sa ilang pampasaherong jeepney at bus upang hindi maantala sa mga importanteng lakad.
Kusang-loob na rin na nagreport ang bus driver sa Camalig Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon.