LEGAZPI CITY – Nadamay ang buong barangay council at 10 households matapos na dumalo sa ipinatawag na special session sa Brgy. Concepcion, Virac, Catanduanes, ang isang empleyado na positibo pala sa COVID-19.
Una rito, inirereklamo ang medical center na pinagtatrabauhan nito sa improper disposal ng mga medical waste sa baybayin sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Virac Mayor Posoy Sarmiento, nagtungo pa sa nasabing session ang indibidwal kahit sumailalim sa swab test at hindi pa nalalaman ang resulta, na kinalaunan ang napag-alamang positibo
Pawang naka-isolate na ang mga nasabing indibidwal at nakatakdang isailalim sa testing lalo na ang mga nakitaan ng sintomas.
Ipinapasakamay na rin ni Sarmiento sa namumuno sa Rural Health Unit ang desisyon at aksyon sa posibleng penalidad na kaharapin ng empleyado ng medical center.
Ikinalungkot naman ng alkalde ang nangyari dahil matagal nang protocol sa bayan na kung kandidato para sa swabbing o kaya’y kaka-swab pa lamang, dapat naka-home isolation.
Hindi naman umano kasi madala sa quarantine facility ang karamihan dahil sira pa rin matapos ang pananalasa ng Bagyong Rolly kaya’t pinapayagang sa bahay muna mag-isolate.