LEGAZPI CITY – Pormal nang ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa normal na lebel o Alert Level 0 ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa abiso ng Phivolcs, inilagay na sa normal status ang Bulusan matapos ang nakitang “general decline in monitoring parameters”.
Batay sa mga naobserbahang parametro, nagkaroon umano ng pagbaba sa baseline levels na mula 0 hanggang dalawang lindolsa loob ng isang araw mula pa noong Mayo 17, 2019 na nagpapahiwatig ng pagkawala ng rock fracturing sa sistema ng bulkan na iniuugnay sa hydrothermal activity.
Namataan rin ang overall ground deformation data ng bulkan na wala nang pressure mula sa subsurface magma.
Mababa rin ang ibinubugang asupre ng bulkan na nangangahulugan lamang umano ng pagbaba ng volcanic gas supply mula sa aktibong shallow hydrothermal o malalim na magmatic source.
Mahina naman ang nakikitang degassing activity sa mga aktibong vents ng Bulusan na consistent sa hydrothermal activity.
Sa gayon, ibinaba na ito mula sa Alert Level 1 patungong Alert Level 0 habang nagpaalala naman ang Phivolcs na maaari pa ring itaas ang naturang alerto sakaling may makitang “renewed increase” sa mga binabantayang parametro.
Pinaiiwas rin ang publiko sa pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ), partikular na sa mga vents dahil sa panganib na hatid ng posibleng steam-driven o phreatic eruption, rockfall at landslide.