LEGAZPI CITY- Patuloy ang pagtaas ng naitatalang volcano tectonic earthquakes sa Bulusan Volcano na dulot ng pagkabasag ng mga bato sa ilalim ng bulkan.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division head Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakita rin ang pamamaga sa timog-silangang bahagi ng bulkan dahil sa patuloy na pressure sa ilalim nito. Dahil dito ay sinabi ng opisyal na tumataas pa ang tsansa ng pagkakaroon ng phreatic o steam driven eruption.
Sa kabila nito ay nilinaw ng opisyal na hindi pa nakikita ng ahensya na itataas ang kasalukuyang alert level 1 ng bulkan dahil mababa pa aniya ang ibang binabantayan na parametro.
Gayunpaman ay sinabi ni Bornas na kinakailangang maging alerto pa rin ang publiko lalo pa at nasa alert level zero ang bulkang Bulusang noong huling pumutok ito.
Samantala, iginiit pa ng opisyal na walang kinalaman ang kalagayan ng panahon sa estado ng magma sa ilalim ng bulkan.