LEGAZPI CITY – Masayang ibinagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na paunti-unti ng tumatahimik ang bulkang Mayon nitong mga nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng nasabing ahensya, halos ay paiisa-isa na lang o wala ng naitatala na volcanic earthquake sa naturang bulkan.
Subalit sa kabila nito, nananatili pa rin ang ground deformation o pamamaga ng upper slope ng Mayon.
Ayon kay Bornas, oras na bumaba na ng tuluyan ang sulfur dioxide emission ay mababawasan na ang pressurization sa loob ng bulkan na indikasyong naibuga na ang volcanic gas na pinaniniwalaang dahilan ng pamamaga sa itaas na bahagi ng bulkan.
Aniya, kapag nagtuloy-tuloy na ang pagbaba ng naturang mga parametro ay posibleng ibaba na sa Alert Level 1 ang status ng bulkang Mayon sa mga susunod na araw na kasalukuyang nasa Alert Level 2.
Kaugnay nito, hindi pa rin inaalis ni Bornas ang posibilidad ng biglaang phreatic eruption tulad ng nangyari noong Pebrero 4, 2024 dahil mayroon pa ring pamamaga sa bunganga nito.