LEGAZPI CITY-Patuloy sa pagbuga ng lava ang Bulkang Mayon kung saan umaabot na ito sa 20 million cubic meters ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay Phivolcs Supervising Science Research Specialist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na tatagal pa ito ng ilang buwan ngunit hindi pa rin itataas ang alert level maliban na lamang kung lumapagpas ito sa 6km radius permanent danger zone.
Pinaliwanag rin niya na simula noong January 6, isa itong uri ng “effusive eruption” kung saan patuloy ang paglabas lava at volcanic materials mula sa Bulkang Mayon.
Nairehistro rin ang pinakamahabang lava flow na umaabot sa 3.5 km kung saan nahahati ito sa dalawang gully.
Patuloy pa rin ang paglabas ng ilang volcanic materials kung saan nai-record ang 21 volcanic earthquakes, 351 rockfall events, at 64 Pyroclastic Density Currents o “Uson”.
Samantala regular naman ang pagsasagawa ng obserbasyon sa parametro ng Bulkang Mayon at pinapaalalahanan ang lahat na habang nakataas pa rin ang alert level 3 ay huwag pumasok sa 6km radius permanent danger zone.











