LEGAZPI CITY—Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nagpapatuloy ang Bulkang Mayon sa pagbuga ng lava dome at lava flow na may panaka-nakang mahinang strombolian activity.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dito ay kung saan unti-unting iniluluwa ang lava ngunit kung minsan ay may kasamang malalaking bula ng volcanic gas na may kasamang magma.
Aniya ang aktibidad na ito ay tinatawag na strombolian activity o ang panaka-naka at hindi sustained kung saan tila may makikitang bursts ng lava sa bunganga ng bulkan.
Dagdag niya na mayroong pamamaga ang bulkan o mayroong intrusion mula sa ilalim ng bulkan simula pa noong taong 2024 na maaaring makaapekto sa kasalukuyang aktibidad nito.
Sinabi rin ng opisyal na ang daloy ng lava ay hindi lalampas sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone dahil ito ay nahahati rin sa tatlong gullies.
Samantala, wala pang napapansing makabuluhang pagbabago ang ahensya sa estado ng bulkang Mayon.
Hinimok din niya ang publiko na manatiling nakalikas mula sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone ng bulkan dahil sa patuloy na aktibidad nito at banta ng mga volcanic hazards.











