LEGAZPI CITY- Nominado ang bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay na mapabilang sa World Heritage list ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization.
Ayon kay Albay acting Governor Glenda Bongao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung sakaling tuluyang magiging heritage site ang Mayon volcano ay magiging ika-siyam na World Heritage site na ito sa buong bansa.
Aminado ang gobernadora na matinding proseso ang kanilang pinagdaanan sa tulong ng UNESCO National Commission of the Philippines at iba pang stake holders upang maihanda ang lahat ng kinakailangan na mga dokumento.
Aniya, sa pamamagitan nito ay maririnig na ng buong mundo ang magagandang kwento hinggil sa kasaysayan ng bulkang Mayon gayundin ang pagbabahagi ng cultural identity ng lalawigan.
Dagdag pa ni Bongao na bahagi na ng pagkakakilanlan ng mga Albayano ang bulkang Mayon kaya hindi lamang ito simpleng landmark ng lalawigan.
Samantala, kung sakaling tuluyang mapapabilang sa World Heritage list ang bulkan ay tiyak na mas maraming turista ang dadagsa sa Albay na malaking tulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng lalawigan.