LEGAZPI CITY- Nananatiling nasa alert Level 3 ang bulkan Mayon, ayon sa Philippine Insitute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa kabila ng paglala ng ipinapakitang mga aktibidad.
Ito ay kaugnay ng naitalang pyroclastic density currents kung saan umabot na ang mga debris hanggang sa apat na kilometro pababa sa dalisdis ng Balud Gully sa Sto. Dominggo at ang ashfall ay nakarating sa ilang bahagi ng lungsod ng Tabaco nitong byernes, Hunyo 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Paul Alanis, resident volcanologist sa PHIVOLCS, sinabing hindi pa sapat ang volcanic activities ng Mayon upang itaas ito sa Alert Level 4.
Sa pinakahuling Mayon bulletin, base sa nangyaring mga aktibidad ng bulkan kahapob mula alas-singko ng umaga hanggang alas-syete ng gabi, nasa 269 na rockfall events ang naitala na nagresulta sa isang pyroclastic density currents na nakita sa Basud Gully, at may dalawang volcanic earthquake, habang nakapagtala naman ng 864 tonenlada ng sulfur dioxide.
Sa kabila ng paglilinaw ng opisyal sa kasalukuyang estado ng bulkang Mayon, pinaghahanda pa rin ang lahat ng mga residenteng nakatira sa sa loob ng 7km-8km extended danger zone sa posibeng pagpapalikas ano mang oras sakaling kailanganin na.