LEGAZPI CITY—Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ibinaba na sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon noong Miyerkules dahil sa pagbaba ng mga monitoring parameter nito.
Ayon kay PHIVOLCS Supervising Science Research Specialist, Dr. Paul Karson B. Alanis, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, ibinaba ito sa Alert Level 2 dahil sa pagbaba ng ibinubugang o pagbaba ng aktibidad ng rockfall; pagbaba ng mga naitatalang volcanic earthquakes; pagbawas din ng sulfur dioxide emission; gayundin ang ground deformation kung habang namamaga pa rin ang paligid ng bulkan, ang magma sa ilalim nito ay hindi na nailalabas.
Gayunpaman, binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat maging kampante ang mga residente dahil posible pa rin ang pyroclastic density currents o uson.
Punto ni Alanis na sa alert level 2 ay mas maliit ang posibilidad na sumabog o magkaroon ng violent eruption ang bulkan kumpara noong itinaas ito sa Alert Level 3.
Samantala, bagama’t ibinaba na ang alerto ng bulkan, hindi inirerekomenda ng ahensya ang pagpasok o pananatili sa loob ng 6 na kilometer permanent danger zone dahil sa posibilidad ng pyroclastic density currents o maging ang pagsabog ng bulkan.











