LEGAZPI CITY – Wala pang nakikitang senyales ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology upang itaas ang Alerto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Istitute of Volcanology and Seismology, kahit mayroong mga naitatalang pagtaas sa aktibidad ng bulkan mananatili pa rin ito sa Alert Level 1.
Kahapon ng makapagtala ng 91 volcanic earthquakes na nauugnay sa pagkakabitak-bitak ng mga bato sa ilalim ng Bulusan volcano.
Paliwanag ni Bornas, wala pang mga bagong ‘classification na ipinapakita ang bulkan na basehan upang itaas sa Alert Level 2.
Isa na rito ang paggalaw ng magma sa mas malalim na bahagi ng bulkan at ang mas paglala pa ng pamamaga sa palibot ng bunganga nito.
Subalit mahigpit na abiso ni Bornas na nasa low level of volcanic unrest ang Bulusan kung saan malaki pa rin ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruption.
Kaya’t ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa permanent at extended danger zone ng Bulkang Bulusan.