LEGAZPI CITY – Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alerto ng Bulkang Bulusan sa Alert Level 0 mula sa Alert Level 1.
Sa latest Bulusan volcano bulletin, sinabi ng Phivolcs na bumalik na sa normal ang aktibidad ng bulkan batay sa kanilang monitoring parameters.
Bumaba na rin ang naitalang volcanic earthquake activity, ground deformation, gas emission, at visual observation ng summit nito.
Isinailalim ang bulkan sa Alert Level 1 o “abnormal” matapos nitong magtala ng higit 120 na lindol noong Oktubre 2022.
Ayon sa Phivolcs, bumaba na sa 0 hanggang 5 ang bilang ng naitatalang volcanic earthquakes sa lugar simula pa noong Disyembre 2022.
Wala na ring “pressurization” mula sa subsurface volcanic sources, ayon sa overall ground deformation data. Mababa na rin ang emission ng sulfur dioxide.
Dagdag pa sa ulat, mahina na rin ang pagbuga ng usok ng nasabing bulkan.
Samantala, pinaalalahanan naman ang publiko at local government unit (LGU) na dapat pa ring iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer raduis Permanent Danger Zone (PDZ).
Ito ay dahil sa posibilidad na makaranas pa rin ng phreatic eruption, rockfall at landslide.