Bulusan volcano

LEGAZPI CITY—Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pagtaas sa seismic activity ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon kahapon, Abril 22.

Ayon kay Phivolcs Resident Volcanologist Bulusan Volcano Observatory April Dominguiano, sa panayam ngBombo Radyo Legazpi, 101 volcano-tectonic earthquakes ang naitala simula pasado alas-4 ng umaga noong Abril 22 na may kaugnayan sa pagbitak-bitak ng bato sa ilalim ng lupa at nagmumula sa lalim na 2.5 kilometers sa hilagang sektor ng bulkan.

Naobserbahan din ang very weak hanggang moderate degassing activity mula sa summit crater at active vents nito, habang ang volcanic sulfur dioxide emission ay nananatili sa low levels at may average na 75 tonelada bawat araw nang sukatin noong Abril 9, 2026.

Sinabi ng opisyal na ang pagtaas sa volcanic earthquake activity ay may kaugnayan sa shallow hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan na maaaring magdulot ng steam-driven o phreatic eruptions mula sa alinman sa mga summit vent nito.

Dagdag pa niya, ang abisong kanilang inilabas ay wala pang 24 oras na naitala ng volcano earthquakes sa bulkan kaya dahil dito ay nakita nila ang mas mataas na posibilidad ng pagsabog ng bulkan.

Nanatili sa Alert Level 1 o low-level unrest ang Bulkang Bulusan at mayroong mas mataas na pagsabog ng bulkan na maaaring mangyari mula sa mga summit vents nito.

Samantala, patuloy na nagbabala ang opisyal sa publiko na iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at maging maingat sa 2-kilometer Extended Danger Zone sa timog-silangang sektor ng bulkan dahil sa banta ng volcanic hazards tulad ng pyroclastic density currents, rockfalls, rockfalls, avalanches, ashfall at iba pa.