LEGAZPI CITY—Nagdulot ng trauma sa iilang estudyante nang bumagsak ang bubong ng isang stage dahil sa mga naranasang pag-ulan sa Peñaranda Park sa Legazpi City


Ayon kay Carl Justin Bolaños, Grade 12 student ng Bicol College at isa sa mga nakaligtas sa insidente, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na habang sila ay nagpa-practice para sa isang performance task at sumisilong sila sa lugar ay may narinig umano silang ‘cracking sounds’ na sa kanilang akala ay nagmula sa kanilang speaker.


Gayunpaman, hindi nila inaasahan na mismong bubong na ng stage ang bumagsak dahil inakala nilang kakayanin ng bubong ang mga nararanasan na pag-ulan.


Aniya iilang indibidwal ang nasugatan at nawalan ng malay dahil sa insidente na agad namang binigyan ng atensyong medikal ng mga awtoridad.


Mensahe ni Bolaños sa gobyerno na dapat bigyan ito ng aksyon at dapat din aniyang tiyakin na ligtas itong gamitin para sa publiko.


Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.