LEGAZPI CITY—Hindi inaasahan ng first taker at Top 8 na si Christy Bibon na isa siya sa mga topnotcher sa isinagawang September 2025 Geodetic Engineers Licensure Examination sa bansa.
Ayon kay Bibon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi niyang nahirapan siya sa unang araw ng kanilang pagsusulit ngunit nakabawi rin aniya siya noong ikalawang araw ng exam.
Ayon sa kanya na hindi niya aakalaing maipapasa ang nasabing eksaminasyon.
Nalaman lamang niya na isa siya sa mga topnotcher dahil sa kanyang boyfriend, dahil diretso na siyang tumingin sa listahan ng mga pumasa sa kadahilanang hindi na siya umaasa na mapabilang sa listahan ng mga topnotcher sa naturang licensure exam.
Natuwa rin daw ang kanyang mga magulang sa naging resulta dahil mayroon na silang topnotcher na anak.
Dagdag ni Bibon na bago pa man ang kanyang pag-review, ay itinuon na niya ang kanyang mindset sa kung ano ang gusto niyang layunin at makamit sa pagsabak sa nasabing eksaminasyon.
Inamin din nito na hindi niya first choice ang geodetic engineering sa pag-enroll sa kolehiyo kundi nursing, ngunit hindi niya ito naipasa, sa kanyang pag-enroll sa Bicol University noong nakaraang pandemya kung saan ang nakabatay sa grades ang pagiging kwalipikado rito.
Aniya naghanap siya ng ibang degree program at pinili niya ang engineering dahil magaling din umano siya sa Math.
Dagdag pa ni Bibon na gusto muna niyang magpahinga bago mag-apply ng trabaho.
Balak niya rin kumuha ng master’s degree.
Mensahe ni Bibon sa mga gustong kumuha ng board exam na mag-focus sa kanilang layunin, i-set ang kanilang mindset kung ano ang nais nilang makuha sa board exam, mag-aral nang mabuti, at iwasan ang anumang distractions sa pagre-review.