LEGAZPI CITY – Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pinal na at hindi na babaguhin pa ang disenyo ng bagong P1,000 banknote maliban na lang sa maling scientific name ng Philipine eagle.

Ito ay sa kabila ng pag-alma ng ilang personalidad hinggil sa pagtanggal sa P1,000 banknote ng mga mukha ng mga bayani ng World War II na sina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos kung saan papalitan ito ng Philippine Eagle.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Sarah Severina Curtis, Deputy Director ng BSP Banknotes & Securities Production, Management Dept., sinabit nito na hindi na bago ang mga natatanggap na pagpuna tuwing nagkakaroon ng pagbabago sa disenyo ng Philippine banknotes.

Paliwanag ni Curtis na gaya ng mga bayani, kailangan ding bigyan ng kahalagahan ang environmental awareness.

Sinabi pa nito, na nagkakaroon talaga ng cycle sa pagbabago ng disenyo ng Philippine banknotes at ilang beses na ring ginamit ang agila sa pera ng Pilipinas.

Kasunod din ng mga naglalabasang espekulasyon, tiniyak ni Curtis na nanatiling apolitical ang tanggapan at walang halong kulay politika ang pagpapalit sa P1,000 banknote.