LEGAZPI CITY – Pinaghahanap pa sa ngayon ng kapulisan ang mga suspek sa insidente ng pamamaslang sa dalawang opisyal ng barangay sa San Isidro, Jovellar, Albay.
Kinilala ang mga biktima na sina Brgy. Treasurer Eldelbrando Moina, 57-anyos at Brgy. Councilor Jose Arthur Clemente, 41-anyos.
Nangyari ang pamamaril sa pagitan ng alas-6:50 hanggang alas-7:00 ng gabi, ilang oras lamang ang nakalipas matapos ang pananambang sa tropa ng Albay First Provincial Mobile Force Company sa kaparehong barangay kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat ng Albay Police Provincial Office, nasa balkonahe umano ng bahay ni Sonny Mediavillo ang barangay treasurer na si Moina at nakikipag-inuman nang dumating ang mga suspek na may dalang armas.
Walang habas ng mga itong pinaputukan ang biktima na nagresulta sa agarang pagkamatay.
Samantala ilang minuto lamang ang lumipas nang makatanggap ng isa pang tawag ang pulisya mula sa bayaw ng kagawad na si Clemente na pinagbabaril-patay rin ng mga salarin.
Hindi nakilala ang mga suspek na nakasuot ng bonnet at armado ng short firearms habang mabilis rin na tumakas matapos na isagawa ang krimen.
Kumikilos na rin sa ngayon ang intelligence operatives ng pulisya upang makakalap ng impormasyon at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.