LEGAZPI CITY – (Update) Tuloy ang serbisyo ng barangay hall sa Concepcion, Virac, Catanduanes kahit pa naka-isolate ang buong konseho nito.
Napag-alaman na nagpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga resource persons na inimbitahan ng konseho sa special session tungkol sa complaint sa medical wastes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Brgy. Anthony Arcilla, 11 silang naka-isolate ngayon kabilang ang mga konsehal, treasurer at barangay secretary.
Hinihintay pa ang direktiba ng Rural Health Unit kung kailan ang isasagawang swab test subalit hanggang sa Pebrero 1 pa umano ang pag-isolate.
Kahapon nakapag-disinfect na rin sa barangay hall.
Ayon kay Arcilla, hindi maaring isara ang barangay hall lalo na ngayong Enero na tuloy pa ang renewal ng business clearance.
Sakop umano ng barangay ang Virac Public Market kaya’t maraming kliyente ang nagtutungo.
Dahil dito, dalawang job order mula sa LGU Virac na muna ang ipinadala para sa pagtulong sa proseso subalit hirit pa ni Arcilla na dagdagan pa ng dalawa.