LEGAZPI CITY-Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Barangay Cogon Irosin bilang Top 1 performer sa Weekly Barkada-Kalinisan Program para sa 1st Quarter ng 2025.


Ayon kay Kapitan Ricmar Paluyo ng Barangay Cogon Irosin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, linggo-linggo nilang ipinapatupad ang nasabing programa para maiwasan ng mga residente ang anumang sakit mula sa maruming kapaligiran.


Ito ay alinsunod sa kanilang koordinasyon sa DILG at sa pagkakaisa ng kanilang mga residente, kasama na ang kanilang mga barangay officials, tulad ng mga barangay tanod, barangay health workers, at gayundin ang mga miyembro ng 4ps sa kanilang lugar.


Nakatakda rin aniya ang kanilang paglilinis sa bawat barangay at kada quarter ay bumibisita ang mga opisyal sa kanilang kapaligiran.


Malaking bagay din aniya na natanggap nila ang karangalan bilang top performers pagdating sa kalinisan.


Maliban dito, naging top performer din ang nasabing barangay pagdating sa pagkakaroon ng taniman ng gulay sa pitong purok sa kanilang lugar.


Malaki aniya itong benepisyo sa mga residente ng barangay at ipagpapatuloy nila ang ganitong sistema para sa susunod na aktibidad.


Umaasa rin ang opisyal na magiging inspirasyon sila sa ibang barangay at ang kanyang mensahe ay magkaroon ng ganitong mga proyekto dahil pagkakataon at responsibilidad ito ng mga residente ng barangay.