LEGAZPI CITY – Pumalo na sa pito ang bilang ng kumpirmadong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Bicol.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Health (DOH) Bicol, kabilang sa mga panibagong kasong nadagdag ang ikalimang pasyente na 30-anyos na babae mula sa Camarines Sur na kasalukuyang naka-admit sa Bicol Medical Center (BMC) na sinasabing may travel history mula sa United Arab Emirates at Caloocan City.
Ikaanim na kaso ang 60-anyos na Pilipina mula sa Camarines Sur na bumiyahe mula sa Manila at nagpakonsulta sa Local Health Facility dahil sa naranasang mga sintomas.
Mula naman sa Albay ang ikapitong kaso na edad 63-anyos, lalaki na tinutukoy pa ang history ng exposure sa sakit.
Kasalukuyan itong naka-admit sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Daraga.
Pawang nasa “stable condition” naman umano ang mga ito.
Samantala, ipinapasakamay naman ng DOH Bicol sa nakakasakop na lokal na pamahalaan ang pag-anunsyo ng iba pang karagdagang impormasyon sa mga pasyente na alinsunod sa nakasaad sa Data Privacy Act.
Hiling rin nito ang kooperasyon ng LGU sa contact tracing ng posibleng nakasalamuha ng mga kumpirmadong kaso.