LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 114 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease sa Bicol.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Health Center for Health and Development (DOH CHD) Bicol, apat ang mga bagong kasong naitala sa rehiyon ngayong araw.
Pawang mula sa lungsod ng Naga sina Bicol #111 at #112 na nabatid na close contacts ng mga una nang nagpositibo na sina Bicol#91 at Bicol#92.
Nagtatrabahong construction worker si Bicol #111 na isang 39-anyos na lalaki habang laborer naman si Bicol #112 na isang 19-anyos na lalaki.
Pawang asymptomatic ang mga ito at nananatili na ngayon sa quarantine facility.
Tubong Gubat, Sorsogon subalit kasalukuyang nananatili sa lungsod ng Sorsogon ang ika-113 kaso ng COVID-19 sa rehiyon na isang 23-anyos na lalaki.
Nabatid na bumiyahe ito sa Quezon City at unang naramdaman ang mga sintomas nitong Hunyo 21.
Samantala, binawian na ng buhay si Bicol #114 na isang 83-anyos na lola mula sa Gubat, Sorsogon.
Nabatid na may travel history ito sa Quezon City kung saan Hunyo 26 unang nakitaan ng sintomas kaya’t ipinakonsulta sa pagamutan sa kaparehong araw.
Na-admit ito sa Metro Health Hospital sa Sorsogon subalit nasawi nitong Hunyo 29 at agad namang isinailalim sa cremation ang mga labi nito.
Ngayong araw lamang lumabas ang resulta na naghahayag na positibo ito sa COVID-19 habang ito na rin ang itinuturing na pinakamatandang nagpositibo sa sakit sa Bicol.
Si Bicol #114 rin ang ikaanim na nasawi sa Bicol na iniuugnay sa COVID-19.