LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Legazpi City Mayor Noel Rosal na mula sa lungsod ang isa sa pinakahuling nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Bicol.
Una nang binanggit na 63-anyos na lalaki ang ikapitong kaso mula sa rehiyon at naka-admit na sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Mayor Rosal na nakipag-ugnayan na si Department of Health (DOH) Bicol Director Dr. Ernie Vera upang ihayag na residente ng Legazpi ang latest case subalit wala pang binanggit na barangay.
Ayon pa sa alkalde na batay sa kanilang pag-uusap ni Vera, sampung araw nang nasa pagamutan ang pasyente habang pinasimulan na rin ang contact tracing sa pamilya nito.
Sakaling matukoy na ang barangay, hindi naman tinitingnan ng alkalde ang pagsailalim sa lockdown ng buong lugar.
Maalalang ngayong araw nang ihayag ng DOH na nadagdagan ng anim na positive cases sa COVID-19 ang Bicol kung saan mula sa Camarines Sur ang dalawa at apat ay mula sa Albay.