LEGAZPI CITY – Ibinalik na ang road clearing operations ng Legazpi Public Safety Office sa paghuli sa mga lumalabag sa kautusan sa “No Parking” at ilan pang road obstructions sa lungsod.
Ito ay matapos ang “break period” bilang konsiderasyon sa coronavirus pandemic.
Paalala ni City PSO chief Rolly Esguerra sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tuloy-tuloy na ang magiging operasyon lalo na’t maraming umabuso sa panahon na ito.
Nitong Lunes, Hunyo 22 nang ibalik ang pagsita sa mga lumalabag sa kautusan sa pagbabawal sa double parking at pagparada sa national road.
Giit pa ni Esguerra na ang paglabag sa kautusan ang nagpapahigpit sa buhos ng trapiko at posible pang magdulot ng peligro.
Ikinabigla naman ni Esguerra kung bakit mas maraming sasakayan ang nasa labas ngayon na taliwas sa direktiba ng gobyerno na manatili lamang sa bahay.
Sa mga nagpaparada naman sa national road, hindi na umano obligasyon ng PSO na hanapan pa ng parking space ang mga ito.