LEGAZPI CITY- Nananatiling mahaba ang pila ng mga tagahanga ng Brazilian soccer legend na si Pelé upang humabol sa public viewing nito, bago ihatid sa huling hantungan.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Honey Cristy, nakalagak ang labi nito sa isang stadium sa lungsod ng Santos kung saan unang nagsimula ang karera ni Pele sa larangan ng football.
Dahil kilo-kilometro ang pila ng mga nais na masilayan sa huling sandali ang kanilang idolo ay mahigpit ang seguridad na ipinapatupad ng mga otoridad sa naturang stadium.
Aniya nakatakda ring i-ikot sa buong Santos ang labi ng Brazilian football icon at idadaan ito sa lugar ng kaniyang ina.
Nabatid na ilang mga celebrities at kilalang atleta na rin ang dumalaw sa burol ni Pele subalit hindi umano makakadalo ang football star na si Neymar dahil sa nagpapatuloy na training nito.
Samantala ayon kay Cristy, inaasahan na magtutungo rin bukas sa lungsod ng Santos ang kakaupo pa lamang na si Brazilian President Lula da Silva upang magbigay pugay sa namaalam na King of football.
Dahil dito ay inaasahang mas mahigpit na seguridad pa ang ipapatupad sa naturang stadium.
Samantala, isa umano sa mga kahilingan ni Pele sa gitna ng pakikipaglaban nito sa sakit na cancer ay ang makita sanang magkampeon muli ang Brazil sa nakalipas na World Cup na ginanap sa Qatar.