LEGAZPI CITY – Plano ng ilang paaralan sa lalawigan ng Sorsogon na ibalik ang distance o blended learning at iba pang modality ngayong summer season.
Ito ay matapos na ilang estudyante sa Casiguran Technical Vocational School ang nawalan ng malay sa kalagitnaan ng klase dahil sa matinding init ng panahon na naranasan sa lalawigan.
Dahil dito agad na sinuspendi ng naturang paaralan ang klase upang hindi na madagdagan pa ang mga mag-aaral na nahimatay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon City Shool Division Officer Jose Doncillo, nagkaroon na ng mga pag-uusap ang mga School Heads kaugnay sa naturang plano para sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Paliwanag ng opisyal na nakapaloob sa guidelines ng Department of Education (DepEd) na pwedeng magpatupad ng blended learning kung nakikita ang pangangailangan.
Subalit dapat na mayroong koordinasyon sa mga magulang ng mga mag-aaral aat mga paaralan bago i-implementa ang naturang modality ng pag-aaral.
Inamin ni Doncillo na kahit kasi ventilated ang isang classroom at may mga eletric fan hindi pa rin oobra sa tindi ng init ng panahon lalo pa’t karamihan sa mga silid-aralan ay congested o siksikan ang mga mag-aaral.
Samantala, sa ngayon ay nasa maayos ng kalagayan ang mga mag-aaral na nawalan ng malay matapos na bigyan ng atensyong medikal.