LEGAZPI CITY- Suspendido na ang biyahe sa pantalan ng Tabaco City sa Albay papuntang lalawigan ng Catanduanes matapos na itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 ang nasabing lalawigan dahil sa epekto ng Tropical Depression “Kristine”.
Ayon kay Achilles Galindes ang Media Relations Officer ng Philippine Ports Authority Bicol Port Management Office sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi bago paman mag alas 6 kaninang umaga ay nagpalabas na ng sea travel advisory ang mga sub- station ng Coastguard San Andres, Virac Catanduanes at Tabaco City Albay kung saan hindi pinapayagan na maglayag ang mga barko sa nasabing pantalan.
Nakapagtala na ng aabot sa mahigit kumulang 470 stranded passengers sa Tabaco port, kasama na ang mga nastranded na 17 trucks, 7 bus at 17 light vehicles.
Samantala naman nasa 4 na trucks at walong pasahero ang nastranded sa terminal building ng Virac Catanduanes.
Sa ngayon ay patuloy na binabantayan ng PPA ang iba pang mga pantalan lalo na sa Matnog port dahil mayroon ng ilang bayan sa Visayas ang nakataas ang signal warning.
Inaasahan naman sa mga susunod na oras ay magpapalabas ng direktiba ang Office of Civil Defense Bicol sa pamamagitan ng Land Transportation Office Bicol para sa travel advisory upang sa terminal pa lang ng bus sa Manila ay hindi na payagang magbyahe.
Abiso naman ng opisyal sa mga nagpaplanong magbyahe papuntang Visayas, Masbate at Catanduanes ay imonitor muna ang lagay ng panahon para hindi mastranded kung sakaling lumala ang epekto ng naturang bagyo.