LEGAZPI CITY – Wala pang epekto sa biyahe ng mga barko sa pantalan ng Masbate ang nararanasan ngayon na mga pag-ulan at malakas na hangin sa Bicol.

Ayon kay Ensign Reynaldo Aringo Jr. ang Chief of Staff ng Coast Guard Station ng Masbate, wala namang itinataas na gale warning ang PAGASA kung kaya tuloy pa rin ang biyahe ng mga barko sa mga pantalan ng San Pascual, Cataingan, Mobo, Aroroy at San Jacinto.

Sa mga nakalipas na araw naranasan ang malakas na pag-ulan sa lalawigan subalit hindi naman ito banta sa mga bumabiyaheng barko.

Inaasahan naman ng Philippine Coast Guard ang pagdagsa ng mga pasahero simula sa ikalawang linggo ng Marso para sa Holy Week.

Dahil dito, ngayon pa lamang ay naghahanda na ang ahensya na planong maglagay ng mas mahigpit na seguridad sa mga pantalan para sa kaligtasan ng mga babiyahe.