LEGAZPI CITY- Balik na sa normal ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan sa Bicol region, matapos na makansela dahil sa naging epekto ng bagyong Enteng.
Ayon kay Philippine Ports Authority Bicol Media Relations Office Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagpapatuloy na ang biyahe ng mga pasahero at mga na-stranded na rolling cargoes sa mga pantalan sa rehiyon.
Kung magpapatuloy umano ang biyahe sa buong maghapon ay posibleng maubos na ang backlog ng mga pasahero na naipit sa mga pantalan dahil sa pagkaka kanselar ng biyahe sa nakalipas na araw.
Inaasahan naman na huling makakapag biyahe ang mga pasahero na dadating pa lamang mula sa Metro Manila at iba pang mga rehiyon.
Magiging prayoridad naman ang mga rolling cargoes na nakapila pa sa labas ng mga pantalan upang hindi na mapalawig pa ang abala sa biyahe ng mga ito.
Samantala, ipinagpapasalamat naman ni Galindes ang pagtulong ng ilang mga stakeholders upang mabigyan ng pagkain ang mga strandees sa kasagsagan ng pananatili ng mga ito sa mga pantalan.