LEGAZPI CITY- Bahagyang nagkakaroon na ng pagluwag sa buhos ng biyahe sa Matnog port sa Sorsogon matapos ang naitalang pagka-antala ng biyahe sa nakalipas na mga araw dahil sa masamang lagay ng panahon.

Batay sa tala kaninang umaga ay halos nasa 60 trucks at ilang light vehicles na lamang ang naka abang sa labas ng pantalan.

Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na pumalo kasi sa halos 10,000 ang average na dagsa ng mga pasahero patungong northern Samar ang naitala noong nakalipas na mga araw.

Nabatid na nasa 23 na mga barko lamang ang nakapag biyahe mula sa orihinal na 30 mga barko na kinakailangan upang matugunan ang dagsa ng mga pasahero.

Paliwanag ng opisyal na nahirapan ang ilang mga shipping lines lalo pa at halos naging zero visibility na umano ang bahagi ng San Bernardino Strait.

Samantala, ayon kay Galindes na pinaghahandaan nila ngayon ang pagdating ng mga biyahero kaugnay ng papalapit na bagong taon.

Aniya, nagpalabas na ng relaxation order ang Maritime Industry Authority kaya pinapayagan na ang mga barko na bumiyahe kung mapupuno na ito kahit hindi pa dumarating ang scheduled na biyahe.