© Bombo MJ Marcaida Reblando

LEGAZPI CITY – Apektado ang biyahe ng ilang mga commuters dahil sa dalawang araw na tigil-pasada na ikinasa ng CONDOR Piston Bicol na sinimulan ngayong araw at magtatapos bukas.


Ayon kay Donsol jeep operator driver association President Jun Salvacion sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 90% na paralisado an biyahe ng mga pampasaherong jeep sa lalawigan ng Albay habang halos 100% naman sa Sorsogon.


Pinayagan pa umanong bumiyahe kaninang umaga ang ilang mga jeep upang makabili ng pagkain para sa pamilya subalit makiki-isa rin ang mga ito sa transport strike ngayong hapon para sa kanilang panawagan na pagsuspinde sa jeepney modernization.


Samantala, dalawang araw na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa ilang bayan sa Albay dahil sa naturang tigil-pasada.


Sa kasalukuyan ay nag-aalok na rin ng libreng sakay ang Albay Police Provincial Office para sa mga apektadong pasahero.