LEGAZPI CITY—Naantala ang pagbiyahe ng iilang mga sasakyang pandagat mula Masbate papuntang Pio Duran port matapos ang malalaking na alon na dala ng hanging habagat.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Pio Duran Head Noel Ordoña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umabot na sa higit 100 trucking—tulad ng mga bus, truck, at iba pang sasakyan ang naghihintay sa nasabing pantalan patungong lalawigan ng Masbate at vice versa dahil hindi kinakaya ng mga magkakargang barko ang hampas ng alon ng karagatan.
Karamihan aniya sa mga naantala sa biyahe ay mga pahinante at wala namang umanong pasaherong naapektuhan.
Aniya, ilang shipping lines ang nagkansela ng mga biyahe simula noong Linggo, Setyembre 21, dahil sa masamang panahon.
Dagdag pa ni Ordoña, pansamantala rin nilang sinuspinde ang paglalayag ng mga mangingisda sa nasabing bayan dahil sa delikadong sitwasyon ng dagat para sa maliliit na bangka.
Samantala, nakatakda ring maglabas ng mga hakbang ang kanilang tanggapan ngayong araw, Setyembre 23, bilang paghahanda sa panibagong sama ng panahon na maaring makaapekto sa Bicol region.