LEGAZPI CITY- Umabot sa 63 na mga insidente ng sunog na naitala sa buong kabikolan sa loob ng kasalukuyang buwan.

Ito’y matapos na makapagtala ng sunod-sunod na mga sunog sa iba’t-ibang mga probinsya

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SInsp Edgar Tañajura Jr, BFP Bicol information officer, kasama sa mga naitalang insidente ang nangyari sa Aroroy, Milagros at Basud sa probinsya ng Masbate, at ang naitalang sunog sa Magallanes Sorsogon, kung saan milyon-milyong halaga ang naging danyos.

Ayon sa opisyal, base sa mga isinagawang mga imbestigasyon, karaniwang mga electrical wiring ang rason ng mga sunog na dahil sa overloading o octopus wiring at overusing na nauuwi sa pag-overheat ng mga appliances.

Ngunit nilinaw ni Tañajura na kung ikukumpara ang datos ngayon at noong Mayo sa nakapalipas na taon, mas marami pa rin aniya ang naitalang sunog noong 2022 na umabot sa 65.

Sa kabila nito, nanawagan pa rin ang opisyal sa mga residente na makipagtulungan sa kanila upang maiwasan ang mga katulad na insidente lalo pa’t maliban aniya sa sa mga kagamitan maging ilang buhay ay nawawala rin.

Photocourtesy: BFP Aroroy