LEGAZPI CITY- Siniguro ng Bicolano Valedictorian ng Naval Officer Candidate Course ‘Masakbayan Class 40’ na handa itong magserbisyo ng tapat sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 2nd Lt. Jemel Dayupay, sinabi nito na bata pa lamang ay malaki na ang pagsaludo niya sa mga kasundaluhan sa bansa.
Dahil dito ay wala umano siyang sinayang na pagkakataon hanggang sa magkaroon ng recruitment ang Philippine Navy.
Habang nasa training ay sinikap umano niyang mapalakas ang pisikal na aspeto kasabay ng pagtutok sa academics subalit aminadong hindi inasahan na mangunguna sa klase.
Kaugnay nito ay nagpahayag ng kahandaan si Dayupay na madestino at magbantay sa West Philippine Sea sa gitna ng tensyon na kinakaharap ng soberanya ng bansa dahil sa mga agresibong hakbang ng China.
Malugod umano niyang tatanggapin kung sakaling mapabilang sa mga ipapadala sa pinag-aagawang teritoryo kasabay ng pagsiguro na handang ibigay ang lahat para sa kaniyang tungkulin.
Samantala, sinabi ni Dayupay na isa sa mga pinakamahalagang natutunan niya ay ang pagkakaisa at pagpapahusay sa decision-making.
Paliwanag nito na sa isang maling desisyon lamang ay posibleng buhay na ang maging kapalit kaya pinag-iibayo ang pagpapasya sa bawat sitwasyon.