
LEGAZPI CITY – Hindi makapaniwala ang isang alumna ng Bicol University na mapabilang siya sa mga topnotcher sa inilabas na resulta ng 2026 Architecture Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Architect Christus Leo Warde Del Rosario, ang top 5 sa nasabing eksaminasyon, na halos mawalan siya ng boses sa pagsigaw matapos makita ang resulta ng kanyang unang pag-take.
Aniya, ang kanyang pag-enroll sa review center ay susi rin sa kanyang tagumpay kahit na online set-up lamang siya sa bahay kasama ang kanyang pamilya na maaaring makaapekto sa takbo ng kanyang paghahanda kung sakaling malayo siya sa kanyang support system.
Nahirapan din siyang balansehin ang pagre-review habang nagtatrabaho, kasabay pa ang mga pagdududa, at kaliwa’t kanang selebrasyon tulad ng Pasko at Bagong Taon kaya lubos siyang nagpapasalamat sa kanyang tagumpay.
Ibinahagi rin ni Del Rosario na isa sa mga dahilan kung bakit niya talaga pinasok ang kursong Architecture ay dahil sa kanyang ama na isa ring lisensyadong Arkitekto at dating direktor ng Bicol University Institute of Design and Architecture kaya sinikap niyang tapusin ang kanyang pag-aaral at maging lisensyado sa kabila ng mga pressure na kanyang kinaharap.
Naniniwala rin siya na ang kanilang unibersidad ay nanguna sa Top Performing School dahil sa kanilang determinasyon at dedikasyon sa kanilang pag-aaral hanggang sa makuha nila ang kanilang mga lisensya.
Payo na man ni Del Rosario sa mga gustong maging Architect na maging matiyaga dahil mangangailangan ito ng maraming oras, pagharap sa hirap, at stress ngunit sulit naman kung maaabot din nila ang kanyang naabot na tagumpay.










