© photo from web

LEGAZPI CITY- Nanawagan ang isang mambabatas na co-author ng Anti-Bullying Act of 2013 sa Department of Education (DepEd) na siguruhin na lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa an naipapatupad ng maayos ang mga polisiya sa anti-bullying.

Ito ay kasunod ng nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na sinasabing biktima ng bullying ang dalawang menor de edad na suspek.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi dapat mabigyang daan sa mga paaralan ang mga insidente ng bullying.

Iginiit rin nito na kailanman ay hindi magiging sapat na depensa ang pagiging biktima ng bullying upang manakit at gumawa ng krimen.

Samantala, sinabi rin ng mambabatas na dapat repasuhin na ang Juvenile Justice and Welfare Act upang makita kung epektibo pa ito matapos ang 20 taon.

Binigyang diin rin ni Garbin ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang mga menor de edad sa paggawa ng krimen at iginiit ang responsibilidad ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Dagdag pa nito na dapat na maging mahigpit rin sa pagpapanagot sa mga iresponsableng gun owners.