Jasmin Bombita, Palaro 2019 record breaker, will compete in triple jump as part of the national athletics team of the Philippines.

LEGAZPI CITY – Baon ng Bicolano triple jumper at Palarong Pambansa 2019 record breaker Jasmin Bombita ang buong suporta ng kaniyang kababayan sa kampanya sa pagsungkit ng medalya sa Southeast Asian Games 2019.

Sa mga sinanay ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), nag-iisa umano si Bombita na under 18 year-old ang edad subalit walang kaba sa pakikipagtagisan sa iba pang atleta.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa first coach ni Bombita na si Melvin Balaoro, handang-handa na umanong sumabak ang atleta sa biennial sports meet batay na rin sa kanilang huling pag-uusap.

Tiwala si Balaoro na kakayaning makasungkit ng medalya ng 17-anyos na atleta dahil una na rin itong nakapag-compete sa Malaysia at Indonesia para sa nasabing athletics event.

Hindi man aniya palaimik, disiplinado si Bombita at may pusong palaban na sinabayan pa ng proper training na sangkap upang makapagdagdag ng medalya para sa Pilipinas.

Nabatid na taong 2014 nang magsimulang maglaro si Bombita sa high jump ng district meet, kung saan kagaya ng triple jump nangangailangan rin ng speed at powerleg.

Sa darating na Sabado, Nobyembre 30 ang pinakaabangang pagbubukas ng SEA Games 2019 sa Philippine Arena.