LEGAZPI CITY – Hindi lang ang rehiyong Bicol kundi ang buong Pilipinas ang ire-representa sa isasagawang Southeast Asia (SEA) Age Group Championships ng atletang Sorsoganon na gold at silver medalist sa katatapos pa lang na Palarong Pambansa 2023.
Isasagawa ang naturang kompetisyon sa Jakarta, Indonesia sa Agosto 24 hanggang 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Beatrice Maria Naz Mabalay, ito ang unang pagkakataon na sasabak siya sa international competition bilang bahagi ng Philippine National Team.
Ibinahagi rin nito na hindi na bago ang pasali sa mga regional at national competition.
Kwento pa ni Mabalay, grade 4 lamang ay kinahiligan na ang swimming hanggang sa makitaan ng potensyal at magtuloy-tuloy na sa pag-eensayo.
Aminado rin ito na pahirapan ang training dahil kinakailangan pa na dumayo at bumiyahe ng malayo para lang makapagsanay.
Subalit nasuklian naman lahat ng sakripisyo ng manalo ng gold at dalawang silver sa iba’t-ibang kategorya ng swimming sa Palarong Pambansa 2023.
Dahil dito si Mabalay ang may pinakamaraming natanggap na cash incentives mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon na umabot sa P250,000 para sa mga atletang nakapag-uwi ng medalya sa naturang kompetisyon.