LEGAZPI CITY- Malaki ang pasasalamat ni Police Major Renante Arambuyong matapos itong kilalanin bilang Best Junior Police Commissioned Officer for Operations.
Ang opisyal ang siyang Company Commander ng 504th MC Regional Mobile Force Battalion 5.
Matatandaan na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagbigay ng award sa opisyal kasabay ng 123rd Police Service Anniversary, na itinuturing nitong isang makapangyarihang mensahe ng suporta at pagkilala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Arambuyong, sinabi nito na hindi lamang karangalan ang dala nito kundi ang pagkakataon na maipagpatuloy ang paglilingkod sa bayan na may mas mataas na dedikasyon at integridad.
Aminado ito na hindi niya hinangad ang naturang parangal dahil resulta lamang ito ng pagganap niya sa sinumpaang tungkulin, subalit aminado na literal na sakripisyo, dugo at pawis ang kanilang inalay.
Dagdag pa ni Arambuyong na inaalay niya ang naturang parangal sa Diyos na gumagabay sa kaniyang tungkulin at sa kaniyang pamilya.
Alay din umano niya ito sa mga kasamahan sa serbisyo noong nagsilbi ito bilang Special Action Force sa Mindanao, partikular na sa SAF 44.
Inalala rin nito ang mga naging dating kasamahan na binawian ng buhay habang naglilingkod sa bayan.