LEGAZPI CITY- Muling pinatunayan ng isang Bicolano athlete ang pagiging oragon nito matapos masungkit ang gintong medalya sa 2024 Indonesia Open Championships.

Nangibabaw ang Masbateña discus thrower na si Jewel Trangia na nakapagtala ng 39.70 meters.

Ayon kay Masbate Schools Division Office Sports Division Coordinator Rufino Arellano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa kabila ng dinaramdam na injury ni Trangia na nakuha pa noong Palarong Pambansa ay naibigay pa rin nito ang magandang performance para sa bansa.

Ang 2024 Indonesia Open Championships ay nagi-imbita ng piling mga atleta sa Asya upang magpatagisan sa iba’t ibang sports.

Nabatid na walo ang delegado mula sa ilang mga rehiyon sa Pilipinas, na mga medalists rin sa katatapos pa lamang na Palarong Pambansa 2024.

Kaugnay nito ay nagpasalamat naman si Arellano sa lahat ng mga sumusuporta sa mga Bicolano athletes na patuloy na nagdadala ng karangalan sa bansa.