LEGAZPI CITY – Hindi alintana ng isang Bicolana ang haba ng panahon ng ginugol sa pag-aaral upang matupad ang pangarap na maging isang abogada.

Inabot kasi ng 10 taon si Shiena Onrubia-Dela Cruz, ang Provincial Administrator ng Albay, bago ito natapos sa law school at sumubok na mag-exam hanggang sa makapasa sa 2023 bar examinations.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Planning and Development Head Arnold Onrubia, ang kapatid ng bar passer, taong 2010 pa ng unang pumasok sa law school si Shiena subalit hindi na ito natutokan pa matapos na manalong city councilor sa lungsod ng Tabaco.

Paputol-putol umano ang pag-aaral sa law school ng kapatid dahil naging abala na sa politika hanggang taong 2019 ng matalo ito sa eleksyon kung kaya nagkaroon na ng sapat na panahon sa pag-aaral.

Ayon pa kay Onrubia, isang magandang halimbawa ang kanyang kapatid na hindi dapay sumuko at gawin ang lahat upang maabot ang pangarap.

Sa ngayon ay nasa Dubai pa si Shiena na kasama si Albay Governor Grex Lagman sa 28th Conference of the Parties kung kaya hindi pa napagpaplanohan ng pamilya Obrubia ang gagawing selebrasyon.