LEGAZPI CITY – Nagpahayag ang Bicolana Gabriela na makikiisa sa isasagaawang kilos protesta ng ilang transport group na nananawagang ibasura ang Public Utility Vehicles consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bicolana Gabriela Regional Coordinator Nica Ombao, hindi lang laban ng mga public utility vehicles ang naturang isyu kundi laban din ng mga commuters.

Naniniwala ang grupo na commuters ang pinakamaaapektuhan sa tuluyan na pagpapatupad ng Public Utility Vehicles consolidation.

Nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang grupo sa Mayo 1 na sabay sa araw ng Labor Day at ikatlong araw din ng nationwide strike ng ilang transport group.

Maliban dito, magsasagawa rin ng educational campaign ang grupo partikular na sa mga isyung nakakaapektar sa mga kababaihan, kabataan at sa mga problemang kasalukuyang kinakaharap ng mga mamamayang Pilipino.