LEGAZPI CITY- Siniguro ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol na may sapat na suplay ng isda sa rehiyon kasunod ng pahayag ng Department of Agriculture na patuloy ang pagbaba ng huli ng isda sa bansa.
Katunayan ay tumaas umano ng 10% ang produksyon ng isda sa Bicol noong nakalipas na taon.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol Director Ariel Pioquinto sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na marami ang fishing grounds sa rehiyon kaya patuloy ang paglalatag ng tanggapan ng mga programa upang mapangalagaan ang mga palaisdaan.
Paliwanag ng opisyal na patuloy ang pagdami ng populasyon kaya nadaragdagan rin ang pangangailangan sa isda.
Dahil dito, sinabi ni Pioquinto na pinapalakas ang aquaculture upang makasuporta sa capture fisheries upang hindi maabuso ang karagatan.
Aniya, napakalaki ng potensyal ng rehiyon sa aquaculture at sa kasalukuyan ay nasa 10% pa lamang ang nagagamit.
Ayon sa opisyal na target ng ahensya na maabot ang 50% sa aquaculture at 50% sa capture fisheries upang maging sapat ang suplay ng isda sa Bicol at makakapag supply pa sa iba pang mga rehiyon.
Paliwanag nito na kung maunlad ang palaisdaan ay mas matutulungan ang mga mangingisda.